1.png 2.png 3.png 4.png 5.png 6.png 7.png 8.png 9.png

KALAYAAN! Homily of Fr Nono Alfonso, SJ

428618389_708640214752415_1343378865965603544_n.jpg

KALAYAAN
Sermon sa EDSA Shrine ni Fr. Nono Alfonso, SJ
February 23, 2024

 

Malaya na nga ba tayo? Are we really free? Mga kapatid yan po ang tema ng mensahe ni Pope Francis sa panahong ito ng kwaresma. Through the desert, God leads us through freedom. Mula o sa pamamagitan ng disyerto, inaakay tayo ng Dios tungo sa Kalayaan. Yan po ang kumpletong pamagat ng sulat pastoral ng ating Santo Papa. At maaaring akalain natin na ang sulat na yan ay sinulat nya para sa ating mga Pilipino at sa karanasan natin ng EDSA.

 

May nahalaw po akong tatlong maiikling punto mula rito. Una, ang laging layunin daw po ng Dios sa atin ay Kalayaan, freedom. Kung naaalala daw po natin ang unang pagtatagpo ng mga Israelita kay Yahweh sa kasaysayan ay sa pamamagitan ni Moises. Tinawag ni Yahweh sa tinatawag nating “burning bush” si Moises at ang unang sabi nito ay narinig ko ang panaghoy ng Israel, nais kong palayain sila. Sa bagong tipan naman, si Hesus mismo, sa pagsisimula ng kanyang misyon, yan ang sinabi, akoy naparito upang bigyan ng paningin ang mga bulag, palakarin ang mga lumpo, at PALAYAIN ang mga bihag at api. Yan po ang ating Dios. yan ang kanyang layunin at biyaya sa atin. Kalayaan, lalo na sa kasalanan. Hindi sya ang Dios ng kaunlaran, kayamanan o kaginhawahan, siya ay Dios ng Kalayaan. Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang kalayaang handog nya sa atin? Nakakagulat minsan, pagkatapos nating matamo ang Kalayaan noong 1986, may mga nagsasabing di raw bagay sa atin ang demokrasya dahil masyado itong Malaya. Mas mainam daw ang kamay na bakal, ang authoritarianismo o otokrasya. Kailangan daw ng disiplina ng Pinoy. Pasensya na po, ayaw ng Dios ng tautauhan o alipin lang. “God doesn’t need subjects, but sons and daughters,” ani pope Francis. Nais at tanging hangad nya sa atin ay Kalayaan.

 

Ikalawang punto ng Santo Papa sa kanyang sulat pastoral para sa kwaresma ngayong taon, madalas hindi raw natin nakikita, namamalayan na Tayo ay bihag, nakakulong o di malaya. Yung mga Israelita raw ani Pope Francis, matagal na alipin sa Ehipto: 430 taon! Parang di man lang naghangad ng kalayaan. Itoy kagagawan na rin daw ng mga paraon: binulag nila ang mga Israleita. Ani Pope Francis, “Pharaoh stifles dreams, blocks the view of heaven, makes it appear that this world, in which human dignity is trampled upon and authentic bonds are denied, can never change.” Naaalala ko tuloy kung paanong naging kasangkapan ng Batas Militar noon ang media, sining at entertainment upang ipakitang nasa Golden Age daw tayo. At ngayon marami pa rin ang naniniwala sa nagkalat na mga kasinungalingan sa social media. Paano nga ba natin matutulungang makita ng marami nating kababayan ang mga tunay na pangyayari sa ating kasaysayan? Ang mabuting balita ani Pope Francis, mabait si Yahweh. Kahit di nakikita ng Israel na sila ay bihag, si Yahweh na ang nagkusa na palayain sila. God took the initiative. Pinalaya sila sa tulong ni Moises. Subalit ang malungkot, noong malaya na sila, dahil sa kaunting hirap na naranasan sa disyerto, nais nilang bumalik sa Ehipto, sa pagkakaalipin kay Paraon. Nabulag uli. Piniling mabulag muli. (Mukhang nakaka-relate tayo; pagkatapos paalisin, aba, binalik uli.) Pero napakaganda po ng punto ni Pope Francis: Hindi natin nakikita ang sarili nating pagkakaalipin o kaya ginugusto nating manatiling alipin. Kaya hingin po natin ang tulong ng Dios. Buksan Niya nawa ang ating mga mata at pagalabin ang ating mga puso upang muli’t muli nating hangarin ang ating kalayaan.

 

Ikatlong punto, ang daan tungo sa kalayaan ay mapaghamon. Mahirap. Hindi madali. It entails a struggle, sabi po ni Pope Francis. Aniya, “The call to freedom is a demanding one. It is not answered straightaway; it has to mature as part of a journey. Just as Israel in the desert still clung to Egypt – often longing for the past and grumbling against the Lord and Moses – today too, God’s people can cling to an oppressive bondage that it is called to leave behind. We realize how true this is at those moments when we feel hopeless, wandering through life like a desert and lacking a promised land as our destination. Lent is the season of grace in which the desert can become once more – in the words of the prophet Hosea – the place of our first love. God shapes his people, he enables us to leave our slavery behind and experience a Passover from death to life.” Napakalinaw marahil ng puntong ito sa atin. Na ang daan tungo sa Kalayaan ay Mahirap. Heto, tatlumpot walong taon na ang nakalilipas, pakiramdam natin malayo pa ang Promised land o lupang pangako. Hindi pa rin tayo nagkakaisa. At marami sa ating kababayan hirap at hikahos pa rin sa buhay. 47 porsyento raw ng mga Pilipino ang nagsasabing MAHIRAP sila ayon sa huling SWS survey.

 

Kung tutuusin matagal daw ang nilagi ng mga Israelita sa Disyerto bago sila sumapit sa Lupang Pangako: Apatnapung taon! (O may dalawang taon na lang po pala tayo!). Sabi ng mga iskolar, matagal silang palaboy laboy sa disyerto dahil kailangan nilang purgahin, linisin, o pakinisin pa ang kanilang pananalig at pagibig kay Yahweh. Sa bundok ng Sinai, naroon ngang nagsamba pa sila kay Baal, sa mga huwad na dios, false gods. Yan din po siguro ang kailangang mangyari sa atin. Marami pa tayong kailangang linisin, purgahin sa ating pananampalataya, sa ating demokrasya. Sa ebanghelyo ngayon, tinutuligsa ni Hesus ang mga Pariseo, kailangan daw nating higitan ang kanilang kabanalan, dahil ito’y pawang pakitang tao lang, panlabas lang. ang tunay anyang pananalig sa Dios ay tagos puso. Hindi ka nga pumapatay pero puno ka ng galit. O panay mura o paninira ka sa iyong kapwa. Pareho lang yon kay Hesus. mababaw. Baka iyon nga po ang hamon sa atin. Baka mababaw ang ating pananampalataya, ang ating pag-ibig sa Bayan. (Natalo lang ang kandidato gusto ng mag-migrate. Akala ko ba walang iwanan?). Mababaw na pag-ibig. Hindi tagos buto, tagos kaluluwa, tagos puso. May nagtanong nga, are we poor because we are a Catholic country? Nakakatuwa na noong nakaraang eleksyon, marami ang nakakita, ang problema raw kasi, Hanggang kampanyahan lang, hanggang eleksyon lang ang pagtulong at pagdamay natin sa mahihirap samantalang ang turo ni hesus, yan ay nasa pusod, sentro ng ating pananampalataya. Mahirap ang daan tungo sa Kalayaan. Dahil marami itong hinihingi. Kailangang maglinis ng sarili, kailangang lumalim. Kailangang magpakatotoo.

 

Mga kaibigan, yan po ang tatlong punto ni Pope Francis sa kanyang liham pastoral para sa kwarema ngayong taon. Na parang hagip din sa karanasan natin at pagdiriwang ng Edsa People Power Revolution. Una, Kalayaan ang pinaka handog ng Dios sa atin. Kahit pa, ikalawang punto, madalas hindi natin ito hangad o pinipili. At ikatlo, mahirap at mapaghamon ang daang ito. Sa pagtatapos, sa kabila daw ng hirap ng paglalakbay ng Israel, nakarating pa rin sila sa Lupang Pangako. AT ito ay dahil kay Yahweh. Sa katapatan ni Yahweh sa kabila ng katigasan ng kanilang puso. God has not grown weary of us, ani Pope Francis. Yan at tanging yan lang ang pagmumulan ng ating pagasa. Ang Dios. Sabi nga ng awitin ni Fr Manoling, “In him alone is our hope.” Subalit, may dagdag si Pope Francis: alalahanin ding may kasama tayo sa ating paglalakbay. Katuwang natin ang isat isa. Ang tinatawag nyang Synodal Church. Hindi tayo nag-iisa. Labing limang milyon and counting ika nga ng iba. Kaya halina mga kapwa Pilipino, sa tulong at patnubay ng Dios at hawak kamay ang isat isa, tunguhin na natin, tahakin na natin ang landas tungo sa Kalayaan. AMEN.

Copyright © 2024 Tanging Yaman Foundation, Inc. All Rights Reserved.Designed by Dennis Jimenez